Linggo, Enero 31, 2010

UMPUKAN

 

Isa sa pinakamasarap gawin ay makisalo sa umpukan at pag-usapan ang kung anu-ano lang. Sa baranggay na kinalakihan ko, sagana ang mga tao sa umpukang ganito. Take note, hindi lang mga nanay na walag magawa sa bahay kundi pati na rin ang mga kalalakihan na sagana sa mga tsismis at pati ako ay pinag-usapan.

Umpukan sa tindahan, umpukan kapag may handaan, umpukan kahit saan. Pati mga teachers ay nag-uumpukan kapag recess time!

Ilan na ba ang napaaway, ilan na ang mga nagalit at mga umiyak dahil sa umpukan? Bakit ba kasi kapag may umpukan ang madalas pag-usapan ay buhay ng iba? Parang kung may anong aliw na dulot ito sa mga dilang di mapakali, nangangati at naghahatid ng mga usaping kung sana lang ay masaya pero ang kinahihinatnan ay pagkasira ng buhay iba.

Kung ilang beses na rin akong napag-usapan sa bawat umpukan. Dati masyado akong apektado sa mga naririnig ko na kahit hindi naman totoo ay nakakasama ng loob. Kung puwedeng lang magpaliwanag at sumugod agad  at ipangtanggol ang sarili ay tiyak na gagawin ko malinawan lang ang kanilang mga isip. Pero hindi maari. Ang mga nasa umpukan ay ang mga nirerespeto mong matatanda at mas may edad sa iyo na sila dapat nakakaalam kung ano ang totoo at ano ang kahihinatnan ng kanilang pinag-uusapan.

Ang nakakaloka pa minsan ‘yung ilang alam mo na kakampihan ka ay siyang maniniwala at pagsasabihan ka pa. Dahil ang sarili kong katauhan ay hindi katulad ng ilang mga kakilala nila ay napakadali na lang paniwalaan para sa iba ang mga tsismis na gawa-gawa lang. Naalala ko tuloy si Mommy na minsang pinagsabihan ako noong nasa kolehiyo na  dinadala ko raw ang pera ko sa lalaki. Kakaloka! Sobrang tipid na nga ako to the fullest level para may aruray ako ay may ganoon pang factor! Natatawa na lang ako.

Sige nga mga friends, totoo ba ang usapin na mega bigay ako ever ng kaperahan sa lalaki? Kung lalaki lang ang hanap ko, bakit kailangan pang gumamit ng pera? Hahaha!

Iba naman ang umpukan ng magkakaibigan. Mga usapang nakakaaliw, mga usapang kahit paulit-ulit ay napakasarap pakinggan. Mga alaalang pilit binabalikan. Mga usapin tungkol sa mga kakulitan, ka-eklatan, kalokahan at kahit ano lang. Binibigyang tibay nito ang pagsasamahan ng bawat isa at dito makikita kung sino ang pagkakatiwalaan.

Madalas may mga sikretong bukod tanging ang grupo lang ang nakakaalam. Kung mayroon sa grupong kinati ang dila, nakupo ang sikreto ay parang bibingkang napakadaling ilako at bilhin. Sabi nga, laging may Hudas sa grupo at kahit kaibigan ay ipagkakanulo nito.

Pagkaminsan kasi, may laging pagkakatuwaan sa grupo at ang akala ay laging biro ang mga bagay na kahit seryoso. Naranasan ko na ang ganito at nakakasama ng loob. Hindi palaging nakakatawa ang buhay. Kahit nakakatawa man, hindi nakakaaliw na lagi ka na lang pagtawanan.

Hindi sa lahat ng oras tayo ay nakakasama sa umpukan. Kapag may umpukan kang nasamahan, siguraduhing ito ay para sa kaaliwan ng karamihan at laging suguraduhing walang damdaming masasaktan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento