Lunes, Marso 1, 2010

PAGHIHINTAY



Naranasan n’yo na bang maghintay ng pagkatagal-tagal? Naranasan n’yo na rin bang mainis at maubusan ng pasensya at pakiramdam ninyo ay inuugat na kayo sa pag-aabang at pagdating ng hinihintay ninyo ay halos tubuan na kayo ng sanga?

Nakakapagod mag-abang kung laging huli ang hinihintay at sadyang nakakainis. Paano kung ang hinihintay pala natin ay hindi naman pala darating? Nakakaloka!

Naisip ko na ang paghihintay pala ay para ring sugal lalo na’t parati nating inaabangan kung ano ang kahihinatnan nito. Sa pag-ibig, madalas iniintay natin ang taong nararapat sa atin at pagka minsan ay may mga pamantayan na dapat sundin. Dahil sa mga pamantayang ito lumilipas ang oras at bigla na lang wala na pala tayong dapat hintayin dahil wala namang darating.

Ang dami kong mga kaibigan at mga kakilalang hindi ko alam kung naghihintay pa ba o tumigil nang abangan ang para sa kanila. Sabi nga nila kung wala ka na sa kalendaryo at kapag lumipas na ang numero mo, malamang hindi ka na makatagpo ng para sa iyo. Kaya ang iba hindi pa rin tumitigil sa paghihintay at kapag desperado ng makahanap, basta-basta na lang susunggab.

Sa paghihintay ng para sa iyo, siguraduhing darating ito sa tamang oras dahil mahirap maghabol. Tandaan na tumatakbo ang bawat minuto at kapag naubos ang oras ay baka manghinayang lang tayo. Huwag ding padala sa pressure na hatid ng mga taong nakapaligid sa iyo. Isiping sa buhay ang bawat pangyayari ay may dahilan. Kung ang paghihintay ay nauwi sa wala, ganoon talaga ang buhay at naniniwala akong sa bandang huli ay atin ring masusumpungan ang sa atin ay nakalaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento