Miyerkules, Pebrero 3, 2010

DEAR DIARY



Dear Diary,

Pangalawang araw na ngayon ng Pebrero. May kung anong kumikiliti sa puso ko. Iniisip  at nagpaplano kung ano ang mangyayari sa ika-labing apat nitong araw. Naaalala ko noon, lagi kong sinasabi sa iyo kung sino ang mga crush ko. Ang dami nila. Hindi magkandatuto ang nalilitong isip ko at puso kung sino ba talaga sa kanila ang uunahin ko.

Pero ako lang naman ang nagkakagusto. Dahil hindi naman nila alam ang nararamdaman ko.Wala akong lakas na loob na sabihin iyon sa kanila o ipaalam man lang. Asa pa ako. Hindi naman ako beauty queen ng paaralan. Wala akong ganda. Sino ba namang lalaki ang magkakagusto sa akin?

Dati, hindi nga yata tamang kumilos kung ano ang gusto ko. Bagamat halata naman ng mga kaklase ko ang mga kilos ko’t galaw ay nagpapaka-Maria Clara pa ako. Hindi naman ako nakatagpo ng pag-ibig na inaasam ko. Puro kuwento lang ako sa iyo. Kapag nahawakan ako ng crush ko o nangitian ay napakasaya ko na. Sobrang ngiti at saya na mahirap ipaliwanag. Nagkakandapilipit pa ako sa galak.

Kung bubuklatin ko ulit ang mga lumipas na naisulat ko na ay alam kong batid mong nagdurusa ang puso kong uhaw na uhaw sa pagmamahal. Kung maaari lang lumipad na at takasan ang sitwasyong kinakaharap ko ay ginawa ko na. Hindi naman ako tinubuan ng pakpak. Hindi ako naging si Darna kahit diamond pa na ilang carats ang lunukin ko.

Bakit nga ba ang puso ay minsang nakakaloka? Bakit kasi pinapakialaman pa nito ang isip ko? Kung ilang taon din akong naghintay at nangarap at sa mga hindi inaasahang pagkakataon ay dumating ito at kinatok ang puso kong dati ay halos magsara na at hindi na umasang may iibig pa.

Ang boong akala ko ay dumating na siya. Kung ilang taon ako nitong pinasaya. Pinilit paniwalain na may pag-ibig na walang hanggan. Sa darating na Araw ng mg Puso, iyon ang aming pangatlo at huling Valentine’s Day na magkasama. Sisiguraduhin kong iyon ang hindi pinakanakakalimutang sandali sa aming buhay. Bilang na ang araw ng aming pagsasama kaya ang bawat sandaling magkapiling kami ay pipilitin kong maging masaya. Si pag-ibig, nagbibiro minsan. Bagama’t alam nitong magsasara na ang pintuan ng aking mga puso ay biglang may magbubukas na naman. Hindi pa nga ako nakakapahinga…

Sa dami ng mga minahal ko, ginusto at pinagpantasyahan ay batid mo kung kanino ako lubos na naging maligaya. Kanino ako umiyak ng todo, kanino ako natuto at sino ang nagparamdam at nagpaalalang sa mundong ito, ang pag-ibig ay walang limitasyon.

Sisiguraduhin kong kaya ko. Huwag kang mag-alala mahal kong diary, hindi ka mababasa ng luha ko. Matatag na ako. Kaya ko na. Pipilitin ko…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento